isinulat ni Kim Naparan
Mahal kong Anak,
Minsan na lang kita maka-usap, abala ka na kasi lalo na sa mga nakalipas na araw. Lagi kang may kinaka-usap na iba, hindi mo na ako pinapansin. Ganyan ka na ba talaga? Noon, kapag ikaw ang may kailangan, nandirito ako agad, pero ngayon, halos ipagdamot mo sa akin ang oras mo? Hindi naman sa nag-aasam ako ng kapalit sa mga tulong ko sa iyo pero sana naman kahit utang na loob man lang ay mayroon ka. Sige, `di bale na lang. Saglit lang ito, pangako, maiksi lang ito kaya sana pakinggan mo ako.
***
Tungkol ito sa pauso ng mga Amerikano. Nakasalaysay sa ating kasaysayan na ito ang huwarang biyayang kanilang ipinagkaloob sa atin sa panahong ng ating kasarinlan – ang kasarinlan na nasa binggit ng kamatayan. Ito ang naging saklolo natin sa mga oras na tila hibang na hibang na ang mga kapatid mo sa kaisipan ng mga mananakop na banyaga. Mabuti na lamang ay hindi pa nila nakalimutang magsalita ng ating wika. Baka kasi puro Ingles lang ang alam nila.
Hindi mo pa rin siguro nauunawaan ang guso kong ipabatid. DEMOKRASYA ang tinutukoy ko, baka hindi mo pa ito alam. Kasangkot ka rito at lahat ng tao na nasa paligid mo. Nasa hipnotismo sila ng kaisipan na ito. Hindi mo pa rin ba ako naiintindihan? Oo nga pala, baka kasi kasama ka na sa problemang ito. Huwag kang mag-alala, hindi pa naman ganoon kalala ang sakit mo.
Lingid sa kaalaman ng iba, ang gawi at kilos ng mga taong naniniwala sa prinsipyo nang mapanlinlang na demokrasya ay pawang kasinungalingan lamang. Hindi talaga nila alam ang mga sinasabi at ginagawa nila. Basta kapag ang taong nasa posisyon na dati-rati’y kanilang ibinoto na ngayon ay kanilang kinaaayawan, protesta ang tanging solusyon ang sandigan nila. Sa ganoong paraan sila nagkakasama-sama. Sa mga maiingay, magulo at makalat na pagpoprotesta nila nakukuha ang kanilang lakas upang labanan ang kalaban nila. Ang masama pa, hindi lang ito usapan ng pakikipaglaban. Negosyo rin ito. May pera dito. Hindi ba halata, o talagang bulag KA lang?
Maaaring naririnig mo ang mga hinaing ng mga taong ito, pero HINDI mo naman talaga sila pinakikinggan. Maaaring nadampi mo na ang mga kamay nila sa mga panahong kailangang kailangan mo ang boto nila. Ang “tao” na tinutukoy ko ay isa ring mapanlinlang na salita. Hindi ka naman talaga kabilang dito. `Di ba sabi mo, “intelihente” ka? Dapat alam mo iyan. Ngunit, sabi ko nga, maysakit ka. Nahawa ka na sa sakit ng mga tao. Nakamamanhid ito. Nakabobobo. Hindi makapag-iisip ang utak kung puno ito ng basura na natutunan mo sa paaralan, na akala mo rin ay isang banal na institusyon upang lumawak pa ang iyong kaalaman. Sumalaula ito sa iyong kaluluwa, hindi mo na ito matatakasan pa. Pero huwag kang mag-alala, kahit mayroon ka na nito, maaari mo namang pabagalin ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot. Ang problema lamang ay, wala dito sa ating bansa ang gamot na iyon, sa ibang bayan mo pa ito mabibili. Kaya naman kung ako sa iyo, umalis ka na habang may oras pa.
***
Kaunti na lang, patapos na ako.
Lahat ng tao ay may kanya-kanyang kakayahan at abilidad sa paggawa ng mga bagay-bagay na nakatutulong sa kanyang sarili, sa mga taong nasa paligid niya at pati nasa komunidad o lipunang kanyang ginagalawan. Ang daloy ng kanilang pagkilos ay nasa iisang direksyon lamang--paurong. Kumikilos nang patalikod ang mga taong naniniwala at napapasunod sa ilusyong ito kaya tiyak na hindi mo rin namamalayan na pati ikaw ay nasa agos na ito.
Gusto mo bang makawala na? Mahihirapan ka. Huwag na, kung ako sa iyo, kumapit ka muna sa isang matibay na puno upang hindi ka tuluyang madala sa agos. Hindi mo ba makita ang puno? Makikita mo rin yan kapag natuto kang humiwalay nang kaunti. Kaunti lang naman para hindi ka agad mapansin ng iba. Baka kasi kuyugin at paalisin ka nila dyan, mahirap na, walang tutulong sa iyo upang makabangong muli.
Pakatatandaan mo lang, buwagin o puksain, huli na ang lahat – ang Pilipinas ay matagal nang nahulog sa pain ng Demokrasya.
Gusto mo ba ng pagbabago? Puwes gumising ka muna upang makabangon, pag nakabangon ka na, saka ka tumayo at maglakad papunta sa pinto. Huwag kang mag-alala, hindi nakakandado ang pinto. Nakasara man ito, maaari mo namang buksan. Kakatok ka ba? Huwag na, wala rin namang sasagot.
Basta, nandito lang ako, naghihintay........................